January 20,2025 - Lunes. Duty ako kagabi. Nakatulog naman ako kanina pagkagaling ng duty. Nang magising ako ay naisip ko na umalis ng bahay. Pumunta ako ng Legaspi. Sa Embarkadero.
"Heto ka na naman, Jack. Ipursige mo na ang masteral ngayong taon. Sayang ang panahon. 2 years lang naman.", sabi ko sa sarili ko.
Lately, paulit ulit kong iniisip kung mag-aaral ako para sa Master's Degree sa Nursing. Actually, last year pa akong urong sulong sa desisyon ko.
Kaya ko ba? Hindi ako sigurado sa ngayon kaya gusto kong mapag isip isip.
Maggagabi na nang makababa ako sa jeep. Naglakad ako hangang sa may tulay kung saan nakilala ko ang best friend si Shanna. Sumalangit nawa ang kaluluwa niya. Napansin ko na madami na palang nagbago dito aa Embarkadero. Hindi na tulad nung mga dating pagpunta ko dito. Ibang iba na sa ngayon.
Mag-isa lang ako ngayon. Ok lang ang buhay nursing. Ma-stress ka nang sobra sa kada duty pero at the end of each duty, ma-iisip mo, part lang yung ng trabaho. Sa kada duty, iniisip ko, "Challenge ito!"
Kailangan ba talagang mag-masteral ako? Naiisip ko tuloy bakit ako nag-Nursing kung ganito pala? Parang nakukulangan pa ako sa status ng buhay ko. Ayoko naman biglain ang sarili ko. Baka mamaya ay sumuko na lang ako sa masteral.
Walang pahinga ang pagiging nurse dahil 24 hours sa 7 na araw ang trabaho kahit hindi ka man nakaduty. Sa pamilya ko at mga kaibigan ko ay duty ako kahit wala sa ospital kahit sa bahay namin o sa bahay ng kaibigan ko.
Three years na pala since nakapasa ako ng board exam, three years as a Registered Nurse. Parang kailan lang. Ngayong taon ay first time kong magrerenew ng lisensya ko. Medyo kinakabahan pero malayo pa naman. Saka ko na iisipin yun. Madami nangyari at mga nagbago sa three years. Parang tulad ng lugar na ito. Embarcadero.
Pati ako ... Oo, aaminin ko, ako. Unti unti akong lumayo sa mga taong malapit lang sa akin.... Kaya siguro ngayon parati na lang akong napapag-isa...
Ngayon, habang tinatanaw ko ang dagat dito sa tulay ay iniisip ko, what if hindi ako nakapasa? Siguro hindi ako nurse ngayon. Iba siguro ang trabaho ko. O kaya naman, tambay ako ngayon Bumalik siguro ako sa pagiging Salesman. At least doon hindi buhay hawak ko. Pera, kumisyon, incentives. Naikot ko na sana lahat ng malls sa Legaspi sa pagiging Salesman. Nakatravel na sana ako sa ibat ibang lugar dahil iba ibang produktong hawak ko. Mas masaya siguro ako doon kung hindi man ako nakapasa sa pagkanurse.
Habang nasa tulay ako, napaisip ako, kung hindi ko ba pinursige ito? Yung pagiging nurse? Masaya ba ako ngayon? Asan ba ako? Ano ba ang buhay ko ngayon bukod sa pagiging Salesman or kung hindi man Salesman ano ako ngayon?
Kaya siguro hindi ako nagkakaroon ng lovelife kasi makasarili ako. Baka mahirapan lang siya sa akin kung maging kami. Baka pag nagmasteral ako ay hindi na ako magkalove life. 2 years ang masteral. 2 years akong magfofocus sa pag-aaral ko at wala munang love life.
Ano ba, Jack. Dapat magdedesisyon ka ngayon pa lang para sa August ok na at hindi na maulit yung last year na umurong ka din bago pa mag-enroll.
Sana maging ok na lahat. Let's see. Kasi narealize ko. It's better to give up to set yourself free. Hindi itong parang nasa loob lang ako ng box na paulit ulit lang ang lahat. I'm sure, there's a consequence kung ipursige ko ito. Yung mga off ko, dito na sa masteral. Pero 2 years lang naman ito? After 2 years maeenjoy ko ulit ang mga day offs ko.
Sa sandaling ito, huminga ako nang malalim. If there's if's and how's I would ask myself, "What if hindi nursing ang kinuha ko? How is my life now?"
Dinama ko sandali ang hangin mula sa dagat. Pumikit.
Narealize ko,dahil lang dito sa masteral ay nagkakaganito na ako? Kailangan ba talaga?
Muli kong binalikan ang memories namin ni Shanna dito sa Embarcadero. Yung nagkakilala kami dito sa tulay...
***
Miss kung may pinagdadaanan ka, pareho lang tayo!",sigaw ko sa kanya nang tatalon na siya.
Tumigil siya at naupo sa gilid ng tulay. Umiyak. Tila malalim din ang pinagdadaanan niya. Nilapitan ko siya. Inabutan ko ng panyo. Kinuha niya ito at pinunasan ang mukha niya. Naupo ako sa may tabi niya. Hindi lang ako umiimik.
"Love din ba yang pinagdadaana mo?", parang batang tanong niya.
"Hindi, failure lang talaga ako.", sabi ko.
***
Yung mga inuman namin at videoke dito sa Embarkadero noon.
***
"...Hindi ko alam ang gagawin ko ngayon. Siguro kung sinunod ko lang ang sarili ko noon ay hindi sana naging ganito. Hindi sana ako magiging lasingero."
"A-yy ganun?!!! Tang ina, tagay mo na... kanina ka pa inaantay ng alak!", sabi ni Shanna na kainuman ko na lasing na habang kami umiinom malapit sa may dagat sa Puro, Legaspi City.
Kinuha ko ang maliit na baso sa harap ng babae. Sumunod ay ang kuwatro kantos na alak. Dinamihan ko ang tagay. Nang tinagay ko na ito ay muli kong inabot sa kanya. Kinuha niya ang baso.
"Tang ina, buti nga yan lang ang problema mo! Ako! Ako, paulit ulit na nasasaktan! Paulit ulit na nasasawi sa pag-ibig....PUTANG INA!!!", sumigaw ito tapos itinagay ang halos punung punong tagay na gin.
***
Maya maya ay madili na ang buong paligid. Muli akong tumingin sa dagat.
"Mis na kita, friend.", sabi ko sa hangin.
Ano ba ang mas matimbang sa akin ngayon? Yung pagmamasteral o wala? Napatanong ako sa sarili ko.
Bago pa ako umalis, nakapagdesisyon na ako. Madaming dami dami nagsasabi sa akin lately na ipursige ko ang masteral kung hindi man ako mag-aabroad. Oo na. Magmamasteral na ako ngayong taon! Hindi na ito gaya last year na urong sulong. Itutuloy ko na at wala nang bawian! Kaya ko ito. Nakaya ko nga na ipasa ang nursing board exam? Ito pa?
Shanna, gabayan mo ako sa journey kong ito, friend.
Umalis na ako sa tulay at naglakad pa punta sa gawing pa punta sa park.
The End.
Comments
Post a Comment